Pinarerekonsidera ng isang opisyal ng Kamara ang vaccination policy ng bansa na naka-focus sa Metro Manila at iba pang malalaking lungsod.
Ayon kay committee on health chairperson at Quezon representative Dr. Angelina Helen Tan, dapat na preventive ang hakbang sa ganitong sitwasyon.
Una nang sinabi ng Department of Health (DoH) na kaya mas marami ang bakuna sa National Capital Region (NCR) dahil mataas ang kaso rito, habang sa ibang lugar na nakikitaan ng surge ay kanila ring binubuhusan ng dagdag na supply.
Apela ng house panel, maging pantay-pantay sana ang distribusyon, upang ang mga lugar na maingat na tumatalima sa mga protocol ay maabot agad ang herd immunity at sabay-sabay na makabangon ang lahat ng lugar laban sa deadly virus.
Pangamba ng mambabatas, baka mabalewala rin ang pagbaba ng kaso sa NCR kung tumaas naman lalo sa ibang rehiyon dahil napabayaan ang mga ito.