Nanganganib na naman na magkalamat ang relasyon sa pagitan ng Philippine National Police (PNP) at ng teleserye na “Ang Probinsyano” sa isang TV network.
Umalma ang PNP matapos makarating sa kanilang kaalaman ang isang eksena sa nasabing programa na hina-harass at ginagahasa pa ang grupo ng mga babaeng pulis na nakauniporme pa.
Umani ng kaliwa’t kanang reaksiyon ang naging eksena sa nasabing palabas dahil sa anila’y tahasang pambabastos at pagyurak sa uniporme ng pulisya.
Ayon kay PNP deputy spokesperson Lt. Col. Kimberly Molitas, rerepasuhin nila ang nilagdaang Memorandum of Understanding sa production staff ng “Ang Probinsyano.”
Sakaling mapatunayan na may nilabag na naman daw ang naturang programa, sinabi ni Molitas na hindi magdadalawang isip ang PNP na bawiin ang nilagdaan nilang kasunduan.