-- Advertisements --

Suportado ng Philippine National Police (PNP) si Pangulong Rodrigo Duterte sa hakbang nito na ikastigo sa pinakamabigat na parusa ang mga pulis na mapatunayang nagre-recycle ng iligal na droga na nasabat sa mga anti-drug operations.

Ayon kay PNP Spokesperson BGen. Bernard Banac, ang pagnanakaw at pag-recycle ng mga ebidensiya gaya ng iligal na droga ng mga miyembro ng law enforcement unit ay mas masahol pa raw sa krimen na ginawa ng mga drug traffickers.

Kaya aniya, nararapat lamang na bigyan ng mas mabigat na kaparusahan ang mga sangkot dito.

Giit ni Banac, mahigpit ang ipinapatupad na rules and procedures ng PNP sa mga narerekober na ebidensiya at sinisiguro nila ang katapatan sa pag-secure dito.

“The PNP observes rigid rules and procedures to ensure fidelity in the custody of evidence that will be used to prosecute drug suspects. Utmost transparency and accountability is observed in all police operations. As a matter of procedure, anti-drug operations are carried out with proper coordination with proper authorities and agencies,” pahayag ni BGen. Banac.

Tiniyak naman ni PNP Chief PGen. Oscar Albayalde sa publiko na seryoso ang PNP sa kanilang internal cleansing program.

Hindi umano mag-aatubili ang PNP na gamitan ng puwersa ang sinumang pulis o silbilyan na manlaban sa mga otoridad.