Tiniyak ni PNP OIC Lt. Gen. Guillermo Eleazar mabibigyan ng hustisya ang mga pamilya ng limang namatay at dalawang sugatan na pulis na inambush ng NPA sa Camarines Norte.
Ang pagtiyak ay personal na ipinaabot ni Eleazar sa kanyang pagbisita sa Daet, Camarines Norte, upang kumustahin ang mga sugatang pulis, at makiramay sa mga pamilya ng nasawi.
Ang mga naturang pulis mula sa 2nd Camarines Norte Police Provincial Mobile Force Company ay idineploy para bantayan ang Labo-Tagkawayan Road project nang tambangan sila ng NPA sa bisinidad ng Purok 6, Barangay Dumagmang, Labo, Camarines Norte noong Biyernes ng gabi.
Pinagkalooban ni Eleazar ng Medalya ng Sugatang Magiting ang dalawang pulis na patuloy na nakipaglaban matapos na masawi ang lima nilang kasamahan.
Iniabot din ni Eleazar ang tulong pinansyal mula kay PNP chief Gen. Debold Sinas sa mga pamilya ng mga biktima.
Una nang ipinag-utos ng Eleazar sa Police Regional Office 5 at PRO 4 -A na gantihan ang NPA dahil sa kanilang ginawa.
Ipinag-utos din ni Eleazar ang isang masusing imbestigasyon upang matukoy kung sino ang tumulong sa mga NPA at panagutin ang mga ito.