Pormal nang nai-turn over sa Indonesian government ang apat na Indonesian kidnap victims na nasagip ng militar kamakailan sa Tawi Tawi.
Pinangunahan nina Armed Forces of the Philippines chief of staff Lt. Gen. Cirilito Sobejana at Philippine National Police OIC Guillermo Eleazar ang turn over ceremony na ginawa sa Camp Aguinaldo.
Ang apat na mga Indonesians ay nakilalang sina Riswanto Bin Hayono, Arical Kastamiran, Arsyad Bin Dahalan, at Khairuldin Bin Yai Kii na isang 15-anyos.
Personal silang tinanggap ng kanilang embassy charge d’affaires Widya Rahmanto.
Nagpasalamat naman si Rahmanto sa Pilipinas dahil sa pagsusumikap na iligtas ang mga ito sa kamay ng Abu Sayyaf.
Matatandaan na nagtatrabaho sa Malaysian fisihing firm ang mga Indonesian nang sila ay dukutin ng ASG sa karagatang sakop ng Tambisan, Malaysia noong January 17, 2020.
Walo silang dinukot subalit nakalaya ang tatlo.
Lima silang natirang bihag ngunit namatay na ang isa habang tumatakas sa engkwentro sa Sulu noong Setyembre ng nakaraang taon.
Sa kabilang dako, dalawa pang ASG members na followers ng napatay na ASG leader na si Apo Mike sa Tawi Tawi ang na-neutralize na rin ng militar nitong nakalipas na March 23 sa Barangay Kalupag Island, Languyan, Tawi-Tawi.
Nakilala ang dalawang napatay na ASG members sa kanilang aliases na Long at Darus.
Narekober naman ng JTF Tawi Tawi ang cadavers ng dalawa at ang isang M16 rifle.