alyas bikoy advincula
Peter Joemel Advincula alyas Bikoy during a press conference at Camp Crame

LEGAZPI CITY – Bukas ang Donsol Municipal Police Station sa Sorsogon sa pagbibigay ng seguridad sa kahilingan ng pamilya ni alyas Bikoy kaugnay ng sinasabing banta sa buhay ng mga ito.

Mismong ang kapatid ni Peter Joemel Advincula na si Joseph ang naghayag sa publiko na umalis sila sa tahanan sa Donsol at iniwan ang trabaho bilang guro dahil sa paglabas ng Bikoy video series.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay P/Maj. Joedan Loterina, hepe ng Donsol PNP, regular naman ang isinasagawang pagpapatrolya malapit sa tahanan ng mga ito upang masiguro na walang kaduda-dudang tao na naglilibot sa lugar.

Una na umanong tumawag ang pamilya sa pulisya kaugnay ng isyu.

Sa kasalukuyan, nananatili sa tahanan ng mga ito ang caretaker habang nasa katabing bahay naman ang tiyahin nila Advincula.

Hinihintay na rin ang formal request na ibibigay ng naturang pamilya matapos ang pormal na pagsuko ni alyas Bikoy.