-- Advertisements --

Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na nakahnda na at kasalukuyang nakadeploy na ang higit sa 163,621 na mga kapulisan sa buong bansa para sa pagpapaigting ng seguridad isang araw bago ang eleksyon.

Ayon kay PNP Director for Police Community Relations PMGen. Roderick Augustus Alba, ang kabuuan ng PNP ay nakahanda na at naitalaga na sa buong bansa partikular na sa mga voting centers, mga terminals, at pantalan upang matiyak na maiwasang makapagtala ng mga insidente ng violence bago ang national and local elections.

Aniya, wala ring nakikita ang kanilang hanay na mga posibleng threat sa kaligtasan ng publiko na siyang makakaapekto sa magiging halalan bukas ngunit sa kabila nito ay tiniyak naman ni Alba na mayroong nakahandang contingecy plan ang kanilang hanay para matiyak na mabilis na maaagapan ang mga maaring emergency na kakaharapin ng kanilang mga kapulisan.

Samantala, pagtitiyak pa ni Alba, hindi man nila alam kung ano ang mga maaaring mangyari bukas ay tiniyak niya na kahit anuman ang mangyari ay ‘all hands on deck’ ang kanilang hanay upang makapagbigay ng isang mapayapang eleksyon ngayong taon.

Nanawagan rin ng kooperasyon at suporta si Alba hindi lamang sa publiko ngunit maging mga national and local election candidates para maisakatuparan ang isang maayos at matapat na halalan.

Aniya, kung magpapatuloy ang pagbebenta at pagbili ng boto ay maaaring hindi masolusyunan at makompormiso pa ang pagiging ligtas at secure ng halalan ngayong taon.

Sa ngayon ay mahigpit nang ipinapatupad ang gun ban at liquor ban sa mga checkpoints at chokepoints na isa sa mga ipinagbabawal ngayong bisperas ng eleksyon.

Nagumpisa na ring maghigpit ang PNP sa mga checkpoints at lalo na rin sa mga pantalan at terminals para naman sa mga papauwing mga botante.

Ang kanila namang deployment ay nagumpisa nitong Mayo 8 at patuloy na nakataas ang red alert sa mga command at monitoring centers ng kanilang kapulisan sa ibat ibang bahagi ng bansa.