Nangangalap na ng impormasyon ang Philippine National Police (PNP) hinggil sa umano’y isang Presidential candidate sa 2022 national and local election na sangkot sa katiwalian.
Ito’y matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa “talk to the people” na may kandidato sa pagkapangulo na corrupt at handa siya itong pangalanan.
Ayon kay PNP Chief Police General Dionardo Carlos, kasama sa background checking na kanilang ginagawa kung ano ang nakaraan at kung ano ang mga kinasasangkutan ng mga kandidato.
Samantala, pagdating naman sa kandidato sa pagkapangulo na hindi rin pinangalanan pero inakusahang gumagamit ng coccaine, sinabi ni Carlos na wala pa silang ebidensya na nakukuha rito.
Patuloy aniya ang imbestigasyon na ginagawa rito ng PNP-Drug Enforcement Group katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency.
Kung maaalala, inihayag ng Pangulo na ayaw na sana niyang magbigay ng impormasyon kaugnay ng kanyang nalalaman sa mga tumatakbo sa pagka-Pangulo subalit obligasyon niyang ipaalam sa publiko dahil nakasalalay dito ang kinabukasan ng bansa.