-- Advertisements --

Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na kasalukuyan na silang may ‘person of interest’ sa naging pamamaslang sa isang National Irrigation Administration (NIA) employee at whistleblower na si Kyle Antatico sa Northern Mindanao partikular na sa Cagayan De Oro.

Ayon kay Police Regional Office Northern Mindanao Dir. PBGen. Christopher Abrahano, kumpiyansa umano ang kanilang hanay na mabilis na lmang nilang mareresolba ang naging pagpatay sa emplayado.

Bagama’t may mga tinitignan na silang mga personalidad, tumanggi naman muna na ipagbigay alam ni Abrahano sa publiko ang ilang mga detalye dahil sa nagpapatuloy na imbestigasyon.

Ani Abrahano, napagalamang mayroon nang nagbabanta sa buhay ng biktima nito pa lamang nakaraang taon na siyang kasalukuyan ding tinitignang anggulo sa krimen.

Bagama’t hindi na ibinahagi ang mga profile ng mga personalidad na sinisilip sa ngayon ng Pambansang Pulisya, naniniwala ang PRO 10 na isang gun-for-hire syndicate ang nasa likod ng pagpatay.

Samantala, naglunsad naman ang pulisya ng mga follow-up investigation hinggil sa kaso habang patuloy na nagkakasa ng mga manhunt operations sa mga suspek.