Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na may natukoy na silang mga person of interest hinggil sa pagkawala ng nasa 26 na sabungero mula sa magkakaibang lugar.
Ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo, na nakakuha na rin ng ilang ebidensiya ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) tulad ng mga CCTV footage.
Sinabi ni Fajardo na tinututukan na ngayon ng mga imbestigador sa pangunguna ng CIDG ang natukoy na person of interest.
Nakakuha na rin ng testimonya ang mga imbestigador sa pamunuan at mga guwardiya ng mga sabungan na pinuntahan ng mga sabungero bago sila nawala.
Kabilang sa mga nawawalang sabungero ay nagtungo sa sabungan sa Sta. Cruz, Laguna at gayundin sa Sta. Ana, Maynila noong nakaraang Enero.
Hindi pa inihahayag ng mga awtoridad kung magkakaugnay ang pagkawala ng mga sabungero.
Isa sa tinitingnan na anggulo ng mga imbestigador ay ang laglagan sa laban o game fixing.
Kabilang din sa nawawala ang isang babaeng buntis at ang kaniyang kinakasama na nagtungo rin sa isang sabungan sa Laguna.