-- Advertisements --

Mananatili sa full alert status ang antas ng alerto ng Philippine National Police (PNP) bilang bahagi ng paghahanda ng pulisya sa malawakang demostrasyon sa darating na November 30 rally.

Ayon kay PNP Spokesperson at Public Information Office Chief PBGen. Randulf Tuaño, nagpapatuloy ang deployment ng PNP Directorate for Operations sa bahagi ng Mendiola kung saan nakastandby ang higit sa 167 na mga tauhan upang matiyak na magiging mapayapa sa bahaging ito ng Maynila kaugnay pa rin ng mga nagpapatuloy na kilos protesta.

Tiniyak rin ni Tuaño na mananaig pa rin ang pagpapatupad ng maximum tolerance batay na rin sa naging direktoba ni Acting PNP Chief PLtGen. Jose Melencio Nartatez Jr. kung saan mahigpit ding ipapatupad ang zero tolerance for violence.

Mananatili namang flexible sa ngayon ang deployment ng PNP sa mga lugar na binabantayan ng Pambansang Pulisya.

Kung sakali naman na tapusin agad ang deployment sa bahagi ng Mendiola ay magiging senyales naman ito para magbaba ng antas ng alerto ang PNP kung sakali.

Ani pa ni Tuaño, ang mga natutunan nila sa mga nagdaang rally ay kanila ring ipapatupad gaya ng mga naging pagdadala ng armas ng ilang miyembro ng pulisya sa Quirino Grandstand bunsod ng naging miscommunication sa organizer ng programa at maging sa bahagi ng pulisya.

Samantala, liban naman sa mga paghahanda na ito ay tinatalakay na rin ang mga posible pang pagbabago sa deployment at maging sa magiging latag ng seguridad para sa malawakang demostrasyon sa araw na ito.

Magugunita naman na ito ay kaugnay pa rin sa naunang September 21 Trillion Peso March Rally sa EDSA People Power Monument at sa EDSA Shrine na siyang pinangunahan ng iba’t ibang progresibong grupo.