Magpapatupad ng security adjustment ang Philippine National Police (PNP) matapos payagan ng Quezon City government ang progresibong grupo na magsagawa ng kilos protesta sa bahagi ng Commonwealth Avenue bukas, SONA day.
Ayon kay PNP Directorate for Operations (DO) chief, PMaj. Gen. Val De Leon, kailangan nilang mag-adjust sa inilatag nilang seguridad.
Pagtiyak ng heneral, na sapat ang bilang ng mga pulis at force multipliers na magbibigay seguridad sa bahagi ng Commonwealth Avenue.
Layon ng PNP na maging maayos ang daloy ng trapiko sa nasabing lugar at maging handa sakaling magkaroon ng anumang posibleng eventuality.
Nasa 22,000 police personnel kasama na ang mga sundalo at force multipliers ang magbibigay seguridad sa SONA ni Pangulong Bongbong Marcos sa Lunes, July 25, 2022.
Magugunita na binawi ng Quezon City government sa pamamagitan ng kanilang Public Order and Safety office ang unang desisyon na kanilang inilabas kung saan hindi pinayagan ang mga protesters na magsagawa ng kilos protesta sa bahagi ng Commonwealth Avenue.
Sa ngayon pinapayagan na ang mga progresibong grupo na magsagawa ng kilos protesta sa may Eastbound lane ng Commonwealth Avenue corner Tandang Sora Avenue.
Habang ang mga pro-Marcos supporters naman ay pinayagan na magtipon tipon sa may IBP road malapit sa Sinagtala Street, Barangay Batasan Hills.
Ayon kay De Leon, nirerespeto nila ang desisyon ng Quezon City government sa pagbigay nito ng permit sa mga rallyista.
Umapela naman ang PNP sa mga organizers na panatilihin ang peace and order.
Istriktong ipatupad din ng PNP ang maximum tolerance sa mga rallyists.
Nagpasalamat naman ang PNP sa QC LGU sa pagsuspindi ng klase sa lahat ng antas sa siyudad para bigyang daan ang SONA sa Lunes.
Sinabi ni De Leon na malaking bagay at tulong sa PNP ang pagsuspindi ng klase para mapanatili ang kaayusan.
Napagkasunduan din na susunod sa minimum health protocols ang mga protesters.
Hiling din ng PNP sa mga ito na respetuhin ang mga pulis na naka-deploy sa lugar.