Magpapatupad ang Philippine National Police (PNP) ng gunban sa siyudad ng Davao at maging sa National Capital Region (NCR).
Dahil dito, sinuspindi ng PNP ang mga Permit to Carry Firearms outside Residence (PTCFOR) sa Davao City para sa inaugurasyon ni Vice President-elect Sara Duterte sa June 19 at sa National Capital Region (NCR) para sa sa inaugurasyon ni President-elect Ferdinand Bong Bong Marcos Jr. sa June 30.
Ayon kay PNP Directorate for Operations (DO) chief Police Major General Val de Leon, ang suspensiyon ng PTCFOR sa Davao ay epektibo mula June 16 hanggang June 21.
Habang sa NCR naman ay epektibo ito mula June 27 hanggang July 2.
Paliwanag ni De Leon, inaprubahan ni PNP Officer in Charge Police Lt. General Vicente Danao Jr. ang naturang suspensiyon ng PTCFOR bilang bahagi ng security preparations para sa dalawang makasaysayang kaganapan.
Sinabi ni de Leon bukod sa pagkumpiska ng mga baril at pag-revoke sa PTCFOR ng mga lehitimong gun-owners na mahuhuling lumabag sa suspensiyon, ay sasampahan din ang mga ito ng kaukulang kriminal na kaso.
Samantala, patuloy ang paglalatag ng seguridad ng PNP para sa nalalapit na inagurasyon ng mga susunod na lider ng bansa.
Aminado si De Leon na kanilang mino-monitor ngayon ang mga grupo na posibleng manggulo sa inagurasyon.
Bagaman hindi dinetalye ni De Leon kung anong grupo, sinabi nito na lahat ng magsasagawa ng pagkilos ay kanilang bineberipika.
Ito umano ang dahilan kung bakit magpapatupad sila ng gun ban sa Davao at Metro Manila para matiyak na hindi sila malulusutan.
“We are validating raw information. We do not discount any information that reaches our office. We quickly send them to Directorate of Intelligence for validation. Be that as it may, we are ready for anything,” pahayag ni MGen. De Leon.
Sa kabilang dako, sinabi ni De Leon na pinag-aaralan nila ang paglalagay ng screen sa labas ng venue ng inagurasyon nina Marcos at Duterte nang sa gayon ay mapanuod ito ng publiko.