-- Advertisements --
PNP CHIEF OSCAR ALBAYALDE 1
PNP Chief

Mariing kinondena ng Pambansang Pulisya ang ginawang pananambang ng komunistang CPP-NPA laban sa apat na pulis sa Negros Oriental nitong Huwebes.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang PNP sa pamilya ng apat na pulis na nasawi sa ambush na sina PCpl. Relebert Beronio, Pat. Raffy Callo, Pat. Roel Cabellon at Pat. Marquino de Leon na pawang miyembro ng 704th Mobile Force Company ng 7th Regional Mobile Force Battalion.

Ayon kay PNP Deputy Spokesperson P/LtC. Kimberly Molitas, nakatakda namang magtungo sa Negros Oriental si PNP Chier P/Gen. Oscar Albayalde upang personal na magpaabot ng tulong at pakikiramay sa nagdadalamhating pamilya ng mga nasawing pulis.

Alas-2:30 ng Huwebes ng hapon nang tambangan ng mga rebelde ang mga Pulis sa Sitio Yamot, Brgy Mabato, bayan ng Ayungon.

Tiniyak ng PNP na ipaabot nila ang lahat ng tulong sa pamilya ng mga biktima upang maibsan kahit paano ang pagdurusang kanilang nararamdaman.