Ipinag-utos ni PNP Acting Chief PLTGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. ang mas pinaigting na pagpapatupad ng regular na internal monitoring at disciplinary systems sa lahat ng police commanders sa buong bansa at sa kanilang mga nasasakupan.
Ginawa ng Hepe ng PNP ang direktiba kasunod ng naganap na insidente ng pamamaril sa Sibulan, Negros Oriental noong Enero 9, na nagdulot ng malaking pagkabahala sa hanay ng kapulisan at sa publiko.
Sa nasabing insidente, sangkot ang pulis na si Police Staff Sergeant Bonifacio Saycon, na naging sanhi ng pagkamatay ng tatlong pulis at isang sibilyan.
Batay sa isinagawang imbestigasyon, lumabas na si Police Staff Sergeant Bonifacio Saycon ay mayroon nang naunang kasong administratibo na may kaugnayan sa pagpapabaya sa tungkulin bago pa man ang insidente ng pamamaril.
Ayon kay PNP Acting Chief PLTGen. Jose Melencio Nartatez, Jr., ang kaso ni Saycon ay nagsisilbing isang malinaw na paalala at nagbibigay-diin sa pangangailangang palakasin at pag-ibayuhin pa ang internal monitoring sa loob ng pulisya.
Ito ay upang masiguro na ang lahat ng mga tauhan na mayroong mga administrative issues ay mahigpit na binabantayan at, kung kinakailangan, ay agad na maalis sa mga sensitibong assignment kung saan maaari silang magdulot ng panganib o makasira sa integridad ng organisasyon.
Dagdag pa rito, kinakailangan din ang agarang audit sa kasalukuyang sistema ng internal monitoring upang matukoy ang anumang mga kakulangan sa pagsubaybay at pagpapatupad ng mga kasong administratibo sa loob ng Philippine National Police (PNP).
















