Pina-finalized na sa ngayon ng PNP Internal Affairs Service (IAS) ang mga kasong isasampa laban kay NCRPO chief MGen. Debold Sinas dahil sa paglabag nito sa Bayanihan Act nang ipagdiwang nito ang kaniyang kaarawan kasama ang ibang mga opisyal at tauhan ng NCRPO nuong May 8.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay PNP Spokesperson BGen. Bernard Banac kaniyang sinabi ang IAS ang magsasampa ng kasong criminal at administratibo laban kay Sinas at sa mga opisyal na lumabag sa quarantine protocols.
Hindi naman binanggit ni Banac kung kailan isasampa ang kaso.
Una ng sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque at batay sa pahayag ni PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa na bukas isasampa ng PNP ang kasong kriminal laban kay Sinas at sa mga senior police officials na dumalo sa nasabing pagtitipon.
Nitong Huwebes ay agad na ipinag utos ni PNP chief sa IAS na imbestigahan ang birthday party ni Sinas.
Ayon kay PNP IAS Inspector General Atty. Alfegar Triambulo, mga civilian lawyers ang nag iimbestiga sa insidente para matiyak na walang bias lalo na at ang mga sangkot ay mga matataas na opisyal ng PNP na pinangunahan mismo ni NCRPO chief.
Kasama sa inaalam ng IAS kung ilan ang mga heneral na dumalo sa birthday party ni Sinas.
Susuriin din nila ang authenticity ng mga lumabas na larawan social media.
Lahat ng dumalo sa birthday party ay ia account ng IAS base sa ranggo.
Aniya, isa isa nilang kausapin at pagpapaliwanagin ang mga ito.
Una rito, humingi ng paumanhin si Sinas hinggil sa insidente.