-- Advertisements --

Nangako ngayon si Philippine National Police chief PGen Benjamin Acorda Jr. na ibibigay nito ang lahat ng kanyang makakayang suporta para maisulong ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan ng Negros Oriental.

Ginawa ng PNP chief ang pahayag kasabay ng kanyang unang command visit nitong Sabado, Mayo 20, sa Negros Oriental Police Provincial Office kung saan sinabi nitong gusto niya talagang personal na makabisita sa nasabing lalawigan.

Naniniwala pa si Acorda na pinakamakapangyarihang organisasyon ang Philippine National Police kaya panawagan nito sa mga tauhan ng pulisya na hindi ito gamitin para abusuhin ang mamamayang Pilipino, bagkus ay gagamitin ang kapangyarihang iyon para matiyak na magkakaroon ng kapayapaan at kaayusan sa bansa.

Umaasa pa siyang laging handa ang mga ito na protektahan ang mga biktima kahit ano man ang katayuan nito sa buhay gayundin na makuha ang respeto at tiwala ng publiko.

Samantala, maliban sa isinagawang command conference, nagkaroon ito ng pakikipag-usap sa AFP Counterpart, Community Leaders at Stakeholders upang ipakita ang kanyang 5 focus Agenda bilang tulay sa pagitan ng pulisya at komunidad upang maisulong ang pagkakaisa.

Sa panig naman ni Police Regional Office-7 Director PBgen Anthony Aberin, sinabi nitong mahalaga pa umano ang papel ng iba’t ibang grupo sa pagpapanatili at pagtiyak sa kaayusan ng publiko, kaligtasan at seguridad ng komunidad at sa kampanya ng mga pamahalaan laban sa kriminalidad, insurhensya, terorismo, iligal na droga, katiwalian pati na rin ang pagtugon sa kalamidad.

Makakatulong din umano ang suporta ng mga ito sa probinsya ng Negros Oriental na makamit ang isang mapayapa at ligtas na lugar.