Nagbitiw na sa puwesto ang Chief People Officer ng US tech firm na Astronomer, matapos masangkot sa viral video kung saan siya umano’y nakita sa isang Coldplay concert na yakap ang CEO ng kumpanya.
Kinumpirma ng Astronomer na si Kristin Cabot ay wala na sa kompanya. Nauna nang nagbitiw ang dating CEO na si Andy Byron, kasunod ng imbestigasyon kaugnay ng nasabing insidente.
Hindi pa opisyal na nakukumpirma kung sila nga ang nasa video, ngunit itinuro sila ng US media bilang magka-opisina sa viral clip.
Sa video, makikitang nagyayakapan ang isang lalaki at babae habang tumutugtog ang banda. Nang mapansin ang camera, agad silang yumuko at nagtago. Pabirong sinabi ni Coldplay frontman Chris Martin na “Either they’re having an affair, or they’re just very shy.”
Dahil sa video na umani ng milyong views at naging laman ng memes at TV shows, agad naglabas ng pahayag ang Astronomer na magkakaroon sila ng imbestigasyon.
Pagkatapos nito, inanunsyo ng kumpanya ang pagbibitiw ni Byron.
Pansamantalang itinalaga bilang CEO ang co-founder at chief product officer ng Astronomer na si Pete DeJoy. Ayon sa kanya, naging “household name” ang kumpanya sa hindi inaasahang paraan, at magpapatuloy sila sa kanilang misyon sa larangan ng data at artificial intelligence.