Ipinag-utos ni PNP chief General Guillermo Eleazar sa lahat ng PNP unit at area commanders nationwide na simulan nang paghandaan ang seguridad para sa mapayapa, tapat at maayos na pagdaraos ng halalan sa Mayo ng susunod na taon.
Paliwanag ni Eleazar, ang maagang paghahanda sa seguridad ay napatunayang epektibo para pigilan ang mga karahasan at iba pang aktibidad na maglalagay sa integridad ng pambansa at lokal na botohan sa alanganin.
Kasama sa pinatututukan ni Eleazar ay ang monitoring at accounting hindi lamang ng mga private armed groups kung hindi pati na rin ang mga loose firearms na maaring gamitin sa pananakot at pagsabotahe upang impluwensiyahan ang resulta ng eleksyon.
Samantala, sinabi ni Eleazar na sisimulan na rin nilang makipag-ugnayan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para sa seguridad ng eleksyon sa mga lugar na may mataas na presensiya ng mga armadong grupo, lalong lalo na ang CPP-NPA-NDF.
Nauna nang ipinag-utos ni PNP chief sa mga police commanders na tumulong sa pagbabantay sa voters registration ng Commission on Elections, lalo na noong ianunsyo ng poll body na kanilang palalawigin ang oras ng pagpaparehistro ng hanggang alas-7:00 ng gabi simula Agosto 23.