Umapela si Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. sa International Criminal Court na igalang ang soberanya ng Pilipinas, at kilalanin ang umiiral na judicial system sa bansa.
Kasunod ito ng naging pahayag ng ICC sa plano nito na muling ipagpatuloy ang kanilang imbestigasyon sa war on drug campaign ng administrasyong Duterte.
Ayon kay PNP chief Azurin, walang dahilan ang ICC na imbestigahan ang drug war ng nakalipas na administrasyon dahil mayroon naman na aniya silang isinasagawang imbestigasyon hinggil sa mga naging possible lapses ng anti-drug war campaign ng Duterte administration.
Iginiit din niya na ang Pilipinas ay mayroong kasalukuyang matibay, epektibo, at umiiral na criminal justice system na may aktibong legal proceedings na tutugon sa anumang uri ng naging paglabag sa karapatang pantao ng anti illegal drug campaign ng nakaraang administrasyon.
Sa katunayan pa aniya nito mayroon pang hinahawakang administrative charges ang PNP Internal Affairs Service at ilang drug cases na inihain sa korte laban sa ilang mga drug personality na nangangahulugan lamang aniya ng aktibong pagtugon ng Pambansang Pulisya sa problema ng bansa pagdating sa ilegal na droga at internal discipline issues sa buong hanay ng kapulisa.
Bukod dito ay binigyang-diin din ni Azurin na mahigpit silang nakikipag-ugnayan sa Department of Justice pagdating naman sa pag-aaral sa mga kasong may kinasangkutan ng mga pulis upang panagutin ang mga ito.
Samantala, sa kabilang banda naman ay sinabi ni Azurin na handa ang Pambansang Pulisya na tumanggap ng tulong mula sa ICC ngunit nilinaw niya na ang Pilipinas pa rin ang magsasagawa ng proseso o imbestigasyon ukol dito.
Kung maaalala, November 2021 sinuspinde ang ICC sa pagsasagawa ng imbestigasyon nito sa mga umano’y crime against humanity na naganap sa kasagsagan ng pag-iral ng kampanya kontra ilegal na droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ngunit nitong January 26 lamang ay inanunsyo ng ICC Pre-Trial Chamber na inaprubahan na nito ang hiling ni prosecutor Karim Khan na muling ipagpatuloy ang kanilang imbestigasyon sa sitwasyon ng Replubika ng Pilipinas sa kadahilanang hindi raw sila satisfied sa ginagawang relevant investigation ng bansa kaugnay sa naturang usapin.