Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang kahandaan para sa COVID-19 vaccine rollout sa buong bansa.
Ayon kay PNP Chief Police General Guillermo Eleazar, inatasan na niya na ang lahat ng police units na makipag ugnayan sa mga Local Government Unit para sa vaccine rollout.
Nasa 35,415 na pulis aniya ang tutulong sa paghahatid ng mga bakuna habang dagdag 13,840 na pulis naman ang magpapatupad ng minimum public health safety protocols sa mga vaccination site sa buong bansa.
Maliban dito, kaantabay din ang Medical Reserve Force ng PNP para sa deployment sakaling kailanganin para magbakuna.
Una rito nag deploy ang PNP ng kanilang medical reserve force sa Quezon city at sa iba pang siyudad para tumulong sa vaccination program ng LGU.
Samantala, sinabi naman ni Eleazar na handa na rin ang lahat ng PNP assets, kabilang dito ang fast boats at helicopters, para sa pagdadala ng bakuna kahit doon sa pinakamalalayong lugar.
Para naman sa mga pulis na ipakakalat, lahat ng mga ito ay bibigyan ng protective gear, vitamins at supplements para dagdag proteksyon laban sa COVID-19.
Ngayong buwan kasi ng Hunyo magsisimula na ang pagbabakuna ng gobyerno sa mga nasa A4 catergory.
Sa pakikipag ugnayan naman ng Bombo Radyo kay TDCA at ASCOTF Commander Lt Gen. Joselito Vera Cruz, na inaabangan ng PNP na mabigyan sila ng vaccine allocation para mabakunahan na rin ang mga police personnel na nasa A4 category.
Kabilang sa A4 category ang mga heneral ng PNP.