KORONADAL CITY – Pinangangambahan ngayon ng ilang mga residente sa kalapit na bayan ng Pikit, North Cotabato at Shariff Aguak, Pagatin, Mamasapano at Salibo o SPMS box sa Maguindanao ang posibilidad ng spillover sa nangyayaring operasyon ng militar laban sa mga foreign terrorist at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.
Kung maalala nagpapatuloy ang pagtugis ng militar sa mga terorista matapos mabuwag nila sa pamamagitan ng surgical strike o military attack ang kanilang target na kuta ng mga terorista at ng bandidong grupo sa boundary ng North Cotabato at Maguindanao.
Hindi din imposible na nakatakas ang ilang mga miyembro ng teroristang grupo sa mga kalapit na bayan dahil sa nagpapatuloy na military operation at pinangangambahang makapaghasik ng kaguluhan sa ibang mga lugar.
Kaugnay nito ayon kay Police Col. Aldrin Gonzales, tagapagsalita ng PNP 12, ipinasisiguro nitong naka-alerto ang kanilang hanay at handa sa anumang posibilidad o banta ng kaguluhan.
Napag-alaman na nasa 17 na ang patay sa miyembro ng BIFF , 1 naman sa militar at 2 sibilyan ang nadamay sa nasabing operasyon.