CAGAYAN DE ORO CITY – Pinatibay pa ng mga kadete ng Philippine Military Academy sa Baguio City ang laban para matigil na ang kultura ng hazing sa loob ng PMA.

Pumirma kasi ng isang manifesto ang mga PMA cadets upang ihayag ang kanilang pagtutol at pagtakwil sa anumang uri ng pananakit sa mga kapwa nila kadete.

Sinabi sa Bombo Radyo ni PMA spokesperson Cpt. Cherryl Tindog na lahat ng mga kadete ay naghayag na walang puwang ang kultura ng hazing at nangakong hindi na mauulit pa ang pagkamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio noong Setyembre 18.

Inihayag ni Tindog na nagkaroon din ng isang paninindigan ang mga kadete na hindi na mangyayari pa sa kanilang panahon at maging sa mga susunod pang henerasyon ang mga kaso ng pang-aabuso sa loob ng PMA.

Magugunitang dahil sa nangyari kay Dormitorio, nagbitiw si Cadet 1st Class Ram Michael Navarro bilang brigade commander ng cadet corps.