Naniniwala si Speaker Ferdinand Martin Romualdez na malaking tulong sa pagbaba ng presyo ng manok at itlog ang planong pagbili ng Pang. Ferdinand Marcos Jr nga avian flu vaccine.
Pinuri naman ni Romualdez ang inisyatiba ng Pangulo na bilisan ang pagbili ng avian flu vaccines upang muling mapasigla ang poultry industry ng bansa at mapababa ang presyo ng manok at itlog.
Ginawa ng lider ng Kamara ang pahayag matapos na makipagpulong si Pangulong Marcos, sa mga kinatawan ng PT Vaksindo Satwa Nusantara, isang Indonesian animal health firm.
Plano umano ng Vaksindo na makipagtulungan sa lokal na partner nito na Unahco Inc. (Univet Nutrition and Animal Healthcare Company) Philippines para sa planong paglalagak ng pamumuhunan sa Pilipinas na nagkakahalaga ng $2 milyon ngayong taon bukod pa sa pagbebenta sa Pilipinas ng avian flu vaccine.
Sinabi ni Speaker Romualdez na bumaba ng 20 porsyento ang produksyon ng itlog sa bansa bunsod ng pagpatay sa hindi bababa sa 10 milyong manok dahil sa avian flu.
Dahil dito, tumaas ang presyo at mabibili na ang medium-sized na itlog sa Metro Manila sa halagang P8.70 mula sa P6.90.
Mayroon umanong mga palengke na umaabot sa hanggang P10 ang presyo ng regular-sized na itlog.
Habang ang presyo whole chicken sa Metro Manila ay umakyat sa P200 mula sa P150 noong Hunyo, dahil sa avian flu.
Sinabi ni Speaker Romualdez na ito ang dahilan ng pakikipagpulong ng Pangulo sa mga opisyal ng Vaksindo na isinabay nito sa kanyang pagpunta sa Indonesia para dumalo sa 43rd ASEAN Summit and Related Summits sa Jakarta.
Umaasa rin si Romualdez sa pagsasabatas ng Virology and Vaccine Institute of the Philippines para makagawa ng mga gamot at bakuna sa bansa na hindi lamang para sa tao kundi maging sa mga hayop at halaman.