Magkakaroon pa ng Game 6 sa serye ng Orlando Magic at Detroit Pistons matapos makuha ng huli ang do-or-die Game 5, 116-109.
Ibinabad nang husto ang batang guard na si Cade Cunningham upang masiguro ang panalo, kahit kontrolado na ng Pistons ang kabuuan ng laro.
Umabot sa 44 minuto ang paglalaro ni Cunningham at nakapagtala siya ng 45 puntos mula sa 13 field goals at 14 free throws. Siya lamang ang Detroit player na ginamit nang matagal sa naturang laban.
Hawak ng Pistons ang single-digit lead sa pagtatapos ng first half, ngunit lumobo ito sa 10 puntos sa pagtatapos ng third quarter. Sa ikaapat na yugto, tatlong puntos lamang ang nabura ng Magic.
Nasayang naman ang 45-point performance ng Magic forward na si Paolo Banchero, na ibinabad din sa loob ng 41 minuto.
Gaganapin ang Game 6 sa homecourt ng Magic, at kung umabot pa sa Game 7, babalik ang serye sa Detroit.














