-- Advertisements --

Dinumina ng Detroit Pistons ang Game 1 laban sa Cleveland Cavaliers, 111-101.

Bagaman pinilit ng Cavs na makahabol sa kabuuan ng laban, nagawa ng Pistons na panatilihin ang kanilang abante sa lahat ng quarters hanggang sa huling buzzer, hawak ang 10-point lead.

Matindi ang simula ng Pistons matapos makapagtala ng 37 puntos sa unang quarter, kumpara sa 21 puntos lamang ng Cavs.

Unti-unting nakabawi ang Cleveland at sa pagtatapos ng ikatlong quarter ay nabawasan sa pitong puntos ang dating 16-point lead ng Detroit.

Gayunpaman, muling bumangon ang opensa ng Pistons sa ikaapat na yugto at nagtala ng 28-25 sa loob ng 12 minuto upang tuluyang makuha ang panalo.

Muling nanguna para sa Detroit ang batang guard na si Cade Cunningham na kumamada ng 23 puntos, 7 assists, at 2 steals.

Nag-ambag din si Tobias Harris ng 20 puntos, 8 rebounds, at 2 steals. Sa panig ng Cavaliers, kinulang ang pinagsamang 45 puntos nina Donovan Mitchell at James Harden upang maibalik ang kontrol ng laro.

Gaganapin pa rin sa Detroit ang Game 2, bago lumipat sa Cleveland para sa Game 3 at Game 4.