Kinumpirma ng grupong PISTON na sasama sila sa nationwide transport strike simula bukas, Abril 15 hanggang sa Biyernes, Abril 17.
Ayon kay PISTON president Mody Floranda, magtutuloy-tuloy ang kanilang protesta hanggang pagkatapos ng Mayo 1, Labor Day, hangga’t hindi tinatanggal ang Oil Deregulation Law at value added tax (VAT) sa langis.
Aniya, bagamat magpapatupad ng rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo, hindi ito sapat para mabawi ang nakalipas na mga pagtaas sa presyo ng langis.
Bunsod nito, hinihiling ng transport group na tanggalin ang excise taxes sa mga produktong petrolyo, na magbibigay ng mas ginhawa kumpara sa panukalang diskwento sa langis para sa mga tsuper ng pampublikong transportasyon.
Ipinunto ni Floranda na kadalasang limitado ang discount schemes at hindi sapat para tugunan ang pasaning pinansiyal na kinakaharap ng mga tsuper.
Samantala, hindi naman makikibahagi ang grupong ALTODAP sa planong transport strike. Ayon kay ALTODAP national president Melencio Vargas, magdudulot lamang ito ng abala sa mga komyuter na hindi responsable sa pagtaas ng mga presyo ng langis.
Kasama umano ng grupo ang Pasang Masda at Busina na hindi sasama sa naturang strike.
















