-- Advertisements --

NAGA CITY- Umabot na sa mahigit P300-M ang pinsalang iniwan ng Bagyong Tisoy sa fisheries sector sa Bicol.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Nonie Enolva, tagapagsalita ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources BFAR-Bicol, sinabi nitong ang may pinakamalaking pinsala ang naitala sa lalawigan ng Sorsogon na may P192-M; P40-M sa Albay; P20-M sa Camarines Sur at Masbate; P13-M sa Camarines Norte at P10-M sa Catanduanes.

Ayon kay Enolva, kasama sa naturang mga halaga ng pinsala ang aquaculture, mga pasilidad at mga gamit ng mangingisda sa kanilang pangingisda.

Pinaniniwalaan namang maraming isda ang naapektuhan sa lake Buhi at Bato sa CamSur ngunit hindi na ito ipinaalam pa ng mga fish cage operators para hindi bumagsak masyado ang presyo ng mga isda.

Samantala, inaasahan namang tumaas pa ang naturang halaga dahil may mga lugar pa aniyang hanggang sa ngayon ay hindi parin nakakapagsubmit ng datos dahil sa problema sa signal at suplay ng kuryente.