-- Advertisements --

Hindi pinayagan ng British Boxing Board of Controls (BBBofC) na idepensa ni John Riel Casimero ang kaniyang WBO world bantamweight title laban kay Paul Butler sa darating na Abril 23 sa Liverpool, England.

Ayon sa BBBofC, nilabag daw kasi ng Pinoy boxer ang paggamit nito ng sauna para mahabol ang timbang nito bago ang laban.

Dahil sa pagkaalis kay Casimero ay ipinalit ng WBO si Filipino fighter Jonas Sultan para sa WBO interim bantamweight title fight kontra kay Butler.

Ayon pa sa BBBofC, mula ng dumating sa United Kingdom si Casimero ay kanila na itong binantayan ang timbang at nagulat na lamang daw sila na sa loob ng tatlong araw ay nagbawas ito ng 10 pounds.

Sinasabing kailangan kasing mahabol ni Casimero ang timbang na 118 pounds para sa official weigh-in nito.

Pinagpapaliwanag na rin ito ng WBO sa loob ng 48 oras kung bakit hindi siya dapat tanggalan ng titulo.