KORONADAL CITY – Hindi naging hadlang sa 160 na mag-aaral ng Nelmida Elementary School ng Barangay Assumption, Koronadal City, ang malakas na buhos ng ulan upang makapasok sa una at pangalawang araw ng pilot implementation ng face to face classes.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Maricel Digu, principal ng nabanggit na paaralan, naging matagumpay ang unang araw kahapon kung saan nasa 80 mag-aaral sa kindergarten, grade 1, 2 at 3 ang pumasok na hinati sa pang-umaga at pang-hapon na sesyon.
Habang 80 mag-aaral naman ang papasok sa susunod na linggo.
Bago pa man ang pagsisimula ng klase ay nagsagawa na rin ng simulation exercises.
Bilang IP (Indigenous Peoples) school, nagbigay ng consent at letter of support ang mga tribal elders sa lugar maging ang National Commission On Indigenous Peoples-12.
Habang tumutulong naman ang mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Teams sa mga pumapasok upang masiguro ang pag-obserba ng minimum health standards kagaya ng pagsusuot ng face mask, face shield at physical distancing.
Positibo naman ang mga magulang na tuloy-tuloy na ang face to face classes hanggang sa susunod na school year.