-- Advertisements --

Nagtapos sa ika-anim na puwesto ang Philippine men’s artistic gymnastics team sa final ng kompetisyon ng 2026 Asian Games na ginanap sa Nagoya General Gymnasium sa Japan.

Pinangunahan ng two-time Olympic gold medalist na si Carlos Edriel Yulo, nagtala ang Pilipinas ng kabuuang iskor na 227.359, na nagdala sa kupunan sa ika-6 na puwesto upang malampasan ang Vietnam at Singapore sa walong koponang lumaban.

Maganda ang naging simula ng Team Pilipinas matapos makapagtala ng 38.099 sa rings at 42.365 sa vault. Gayunman, bumaba ang kanilang momentum sa parallel bars kung saan nagtala ang koponan ng kabuuang 36.099.

Nag-ambag sina Juancho Miguel Besana ng 10.000, Karl Jahrel Eldrew Yulo ng 11.933, at Carlos Yulo ng 14.166 sa event.

Sa horizontal bar, nakakuha ang Pilipinas ng 36.965 habang nagtala naman ng 38.199 sa floor exercise, kabilang ang 14.266 ni Carlos Yulo.

Sa huling event na pommel horse, nagtapos ang koponan na may 35.632, mula sa ambag nina Zachary Nunez (12.333), Besana (11.933), at Eldrew Yulo (11.366).

Samantala, muling naghari ang China matapos makuha ang ikatlong sunod na gintong medalya sa event sa na nakakuha ng kabuuang iskor na 255.095

Nasungkit naman ng host country na Japan ang silver sa iskor na 253.826, habang bronze naman ang Chines Taipei sa 239.896. Pang-apat ang Kazakhstan (237.596) at panglima ang Republic of Korea (236.359).