-- Advertisements --

Marami pang mga kadete ang naospital at nadiskubreng may mga marka sa kani-kanilang katawan matapos ang isinagawang physical examinations sa mga ito.

Ayon kay Philippine Military Academy (PMA) Commandant of Cadets B/Gen. Romeo Brawner, tapos na ang isinagawang physical examination sa mga plebo at dito nakita ng mga doktor na may marka sa katawan ang mga kadete na posibleng biktima ng pagmamaltrato.

Siniguro naman ni Brawner na lahat ng mga kadete na nakitaan ng marka sa katawan ay nasa maayos na kalagayan pero tumanggi ito na ibunyag kung ilan ang mga na-confine sa ospital.

Aniya, may isinasagawa na ring imbestigasyon ang PMA sa ilang upperclassmen na may kaugnayan sa insidente at nakakulong na ang mga ito sa ngayon.

Mariin na man itinanggi ng heneral na karaniwan na lamang sa PMA ang hazing, dahil mahigpit itong ipinagbabawal sa loob ng akademya.