Inanunsyo ni Executive Secretary Ralph Recto na maglalaan ang Marcos administration ng record-breaking na PHP113 bilyong subsidiya para sa PhilHealth sa 2026, ang pinakamalaki at pinakamatapang na pondo para sa Universal Health Care (UHC) sa kasaysayan ng bansa.
Ang halaga ay binubuo ng PHP53.13 bilyong orihinal na panukala at ang ganap na naibalik na PHP60 bilyon, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Setyembre na ibalik ang pondong naipigil sa PhilHealth.
Ayon kay Recto, malinaw na naihatid ng 2026 budget ang pangako ng Pangulo.
Sinabi ni Recto na sa P113 bilyon na pondo hindi lang ito tinutupad ang pangako kundi hinihigitan pa ito.
Tiniyak din ng Pangulo noong Setyembre ang pagbabalik P60 billion na pondo ng Philhealth upang palawakin pa ang serbisyo ng ahensiya.
Ayon kay Recto, direktang makikinabang ang indigent families, senior citizens, PWDs, at iba pang vulnerable groups sa mas pinalawak na benepisyo ng PhilHealth na hindi magdadagdag ng pasanin sa gastos.
Tiniyak naman ng Department of Budget and Management ang mabilis at transparent na paglalabas ng pondo upang agad maipatupad ang mga benepisyong magpapababa ng out-of-pocket expenses.
Malaking bahagi ng naturang alokasyon ay magmumula sa sin tax revenues mula sa alak at sigarilyo, mga pondong ibinabalik sa serbisyong pangkalusugan.
















