LEGAZPI CITY – Umaasa ang Philippine Women Judges Association (PWJA) Bicol na agad na mareresolbahan ang armadong pag-atake sa isang regional trial court judge at staff nito, habang patungo sa Naga City.
Kinilala ang biktima na sina Regional Trial Court Branch 56 Judge Jeaneth Gaminde San Joaquin at aide na si Rocelle S. Martinez na pawang nagtamo ng sugat.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PWJA Bicol Regional Director Judge Ave Zurbito Alba, kinondena ng organisasyon ang naturang karahasan at na pag-atake sa hukom.
Hangad naman ni Alba na hindi na maulit ang kaparehong insidente sa sinumang hukom sa rehiyon.
Bilang dating head ng Legal Affairs Division, apela ng opisyal ang mabilis na imbestigasyon upang mahuli ang mga nasa likod ng krimen.
Kumpiyansa naman itong aktibo ang pagkilos ng Libmanan Municipal Police sa Camarines Sur sa nasabing kaso.
Samantala, nais naman ng organisasyon na matulungan ang pamilya ni Judge San Joaquin sa gagawing legal na mga hakbang laban sa mga suspek.