Muling namataan ang Philippine deer o ‘Rusa marianna’ sa lalawigan ng Marinduque matapos ang ilang dekada na paniniwalang wala na ito sa lugar, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sa pahayag ng ahensya, kinumpirma ng Marinduque Wildlife Sanctuary Protected Area Management Office ang presensya ng hindi bababa sa 10 Philippine deer sa Barangay Makulapnit.
Mayroon ding mga bakas ng paa na natagpuan sa Boac at mga kalapit na lugar, na patunay na patuloy na umiiral ang nasabing species sa isla.
Ayon sa DENR, ang muling paglitaw ng Philippine deer ay bunga ng pinagsamang pagsisikap ng kanilang MIMAROPA regional office at ng Provincial Environment and Natural Resources Office sa Marinduque.
Itinuturing ito bilang mahalagang tagumpay sa conservation.
“The reappearance of the Philippine deer in Marinduque stands as both a conservation milestone and a call to action—demonstrating that while recovery is possible, sustained partnership is essential to ensure its long-term survival,” ani ng DENR.
Gayunpaman, nagbabala ang ahensya na nananatiling nanganganib ang species dahil sa illegal hunting, poaching, at pag-atake ng mga wild dogs.
Samantala, plano ng University of the Philippines Los Baños na magsagawa ng pag-aaral upang masuri ang populasyon ng Philippine deer at makabuo ng mga hakbang para sa pangmatagalang pangangalaga nito.
















