Tiwala si Japan’s special envoy to the prime minister, Kishida Fumio, na kabilang ang Pilipinas sa mga unang makikinabang sa $10 bilyong energy support initiative ng Japan para sa Asia, sa gitna ng tumitinding krisis sa suplay ng langis.
Sa pagbisita niya sa bansa, iniabot ni Kishida ang liham ni Prime Minister Takaichi Sanae kay President Ferdinand R. Marcos Jr., na nagpapahayag ng intensyon ng Tokyo na palakasin ang kooperasyon sa energy resiliency sa ilalim ng Partnership on Wide Energy and Resources Resilience Asia (POWERR Asia).
Ayon kay Kishida, inaasahang isa ang Pilipinas sa mga unang tatanggap ng tulong mula sa nasabing programa, na layong patatagin ang suplay ng enerhiya sa rehiyon sa gitna ng global disruptions.
Tinalakay rin sa pulong ang pagpapalalim ng ugnayan sa larangan ng liquefied natural gas (LNG) at nuclear energy, pati ang pagpapalawak ng mga proyekto sa ilalim ng Asia Zero Emission Community (AZEC), kung saan may mahigit 30 proyekto na umuusad sa bansa.
Binigyang-diin naman ng pamahalaan ng Pilipinas na mahalaga ang partnership sa Japan upang mapalakas ang energy security, lalo na’t nananatiling marupok ang global supply chains dahil sa tensyon sa Middle East. (report by Bombo Jai)
















