-- Advertisements --

Iimbestigahan ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang mga nasa likod ng fraud activities sa kanilang Guaranteed and Accessible Medications for Outpatient Treatment (GAMOT) program.

Kaugnay nito, binuo ng state health insurer ang Special Anti-Fraud Unit na naatasang imonitor at panagutin ang mga personalidad o grupo na gumagamit ng programa sa kanilang iligal na mga transaksiyon gayundin sa iba pang benefit package ng PhilHealth.

Ayon kay Rey Baleña, acting vice president for corporate affairs group, maliban sa pagprotekta sa pondo ng mga miyembro, tututukan din sa imbestigasyon ang iba’t ibang iligal na gawaing ginagamit ang mga programa ng ahensiya gaya ng Yakap sa Kalusugan program kung saan parte ang GAMOT program at saka magsasampa ng kaukulang mga kaso sa korte.

Bilang tugon din, magpapatupad ang state health insurer ng mahigpit na beripikasyon sa mga magrerehistro sa point of services.

Umapela naman si Baleña sa mga miyembro na agad isumbong ang anumang impormasyon kaugnay sa fraudulent activities sa mga programa ng PhilHealth.

Sa ilalim ng GAMOT program, maaaring makapag-avail ang mga miyembro ng PhilHealth ng 75 klase ng gamot na nagkakahalaga ng P20,000 kada taon.