Matapos ang pagdagdag ng pondo para sa taong 2026, hiniling ni House Appropriations Chair Mika Suansing na dapat doblehin ang mga benepisyong ibinibigay ng PhilHealth sa mga miyembro nito.
Ito ay upang mas mapakinabangan ng mga Pilipino ang kanilang kontribusyon sa ahensya.
Ayon kay Suansing, ang pagtaas ng pondo ay dapat na direktang magresulta sa mas mataas na benepisyo para sa mga miyembro ng PhilHealth.
Ibinunyag ni Suansing na ang Budget Amendments Review Subcommittee (BARC) ay nagpasyang maglaan ng karagdagang ₱60 bilyong pondo para sa PhilHealth.
Ang pondong ito ay dagdag pa sa orihinal na alokasyon na mahigit ₱50 bilyon na nakapaloob na sa National Expenditure Program (NEP) para sa susunod na taon.
Dahil dito, ang kabuuang pondo ng PhilHealth para sa susunod na taon ay aabot na sa mahigit ₱100 bilyon. Inaasahan na ang malaking dagdag na ito ay magbibigay kakayahan sa PhilHealth na mapalawak at mapaganda ang serbisyo nito sa publiko.
Ang karagdagang ₱60 bilyong pondo para sa PhilHealth ay nagmula sa pagtanggal ng mahigit ₱250 bilyong pondo na orihinal na nakalaan para sa mga proyekto sa flood control sa taong 2026.
Binigyang diin rin ng mambabatas na nararapat lamang na ipakita ng PhilHealth ang isang konkretong komitment sa pagpapataas ng case rates ng mga pangunahing serbisyong medikal para sa mga miyembro nito.