-- Advertisements --

Kapwa ikinokonsidera ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPI) ang paghahain ng reklamo dahil sa isyu ng umano’y pagkakautang na umaabot na sa P18 billion.

Magugunitang una nang sinabi ni Dr. Rustico Jimenez ng PHAPI na malaki pa ang hindi nababayaran sa kanilang mga miyembro mula sa mga gamutan at iba pang serbisyo na ginawa sa mga pribadong ospital.

Pero ayon kay PhilHealth president at CEO Ricardo Morales, base sa kanilang record, lumalabas na wala namang utang sa PHAPI.

Kaya naman hinamon ni Morales si Dr. Jimenez na mag-usap muna sila nang harapan at huwag idaan ang isyu sa media.

Kung magpapatuloy umano ang grupo ni Jimenez sa pagsasalita ukol sa isyung ito nang walang inililitaw na batayan, baka mapilitan silang magsampa na lamang ng kasong libelo.