-- Advertisements --

Ililipat ngayong weekend ang dalawang opisyal ng Pharmally Pharmaceutical Corporation mula sa Senado patungong Pasay City Jail.

Ito ang inanunsyo ni Senate blue ribbon committee chairman Sen. Richard Gordon, kasunod ng pagmamatigas ng mga ito na mailabas ang mga dokumento ukol sa kanilang mga pinasok na deal sa gobyerno at iba pang kaugnay na transaksyon.

Dadalhin sa Pasay jail sina Pharmally executives Mohit Dargani at Linconn Ong.

“We will send Mr. Dargani and Mr. Ong because they are not cooperating again, they think they can talk their way out of this… I’d rather bring them over to the Pasay City Jail,” wika ni Gordon.

Si Twinkle Dargani na siyang presidente ng kompaniya ay mananatili sa Senate premises.

Una rito, nairita ang mga senador sa pagdadahilan ni Mohit na kaya hindi nakukuha ang kahon ng mga dokumento dahil ang kanilang upa sa opisina ay nag-expire na.

Samantala, hahabulin na rin ang iba pang personalidad na naging kasabwat ng mga Dargani sa tangkang pagtakas.