-- Advertisements --

Hawak na ng batikang tennis star na si Elena Rybakina ang top spot sa women’s tennis kasunod ng kaniyang panalo laban kay Qinwen Zheng sa nagpapatuloy na US Open.

Sa naging laban nina Rybakina at Zheng, hindi lamang napalapit ang Kazakhstani sa Grand Slam title kundi umusad pa siya sa world rankings sa ilalim ng Women’s Tennis Association (WTA).

Tinapos ng bagong World No. 1 ang naturang laban sa tatlong set, 3-6, 6-1, 6-4, sa tulong ng isang dominanteng comeback.

Pinalitan niya ang tennis superstar na si Aryna Sabalenka na 99 na linggo nang may hawak ng top spot sa women’s tennis.

Nakatulong din sa pag-angat ni Rybakina ang bahagyang pagbaba ng performance ni Sabalenka sa mga nakalipas na torneo.

Ito ang unang pagkakataon na nahawakan ni Rybakina ang pinakamataas na ranking sa women’s tennis, habang ang pagpasok niya sa semis ng US Open ang pinakamataas na yugtong kaniyang naabot sa naturang torneo.

Bago ang kaniyang makasaysayang panalo, mayroon lamang siyang 57% win percentage sa US Open, ngunit ang kaniyang panalo ngayong taon ang nagtulak sa kaniya para sa mas mataas na win percentage.