Pinangunahan ng Pilipinas ang 12th Meeting of Partners (MOP12) ng East Asian–Australasian Flyway Partnership (EAAFP), kung saan layuning palakasin ang proteksyon sa mga nagmma-migrate na waterbird kabilang ang kanilang wetland habitats.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), ang meeting ay pinangungunahan ng Biodiversity Management Bureau (BMB) at isinasagawa mula Nobyembre 10 hanggang 14 sa Olango Island Wildlife Sanctuary (OIWS) sa Cebu —ang unang Flyway Network Site (FNS) ng bansa at isang Ramsar site o Wetland of International Importance.
Itinuturing ang OIWS na mahalagang stopover at wintering site para sa libu-libong migratory birds, kabilang ang mga nanganganib na uri ng ibon tulad ng Asian Dowitcher, Chinese Egret, Far Eastern Curlew, at Great Knot.
Sa mahigit 300 delegado mula sa 20 bansa, kabilang ang mga opisyal ng gobyerno, NGOs, eksperto, at site managers, tatalakayin sa MOP12 ang science-based conservation strategies, pagpapalakas ng ugnayan, at pagpapalawak ng kooperasyon sa mga bansang kasapi ng EAAFP.
Ayon kay DENR-BMB Assistant Director Mariglo Rosaida Laririt, dapat maisama ang konserbasyon sa mga sustainable development at climate resilience para sa kapakanan ng kalikasan at ng mga mamamayan.















