Nakuha ng Pilipinas ang tatlong pangunahing parangal sa World Travel Awards (WTA) 2025, kabilang ang Boracay Island, Lungsod ng Maynila, at ang mga world-renowned dive sites ng bansa, na pinarangalan sa isang prestihiyosong awards sa Bahrain noong Sabado.
Nagtamo ang Pilipinas ng ikapitong sunod-sunod na panalo bilang World’s Leading Dive Destination 2025, at nanatiling nangunguna sa global dive destinations, tinalo nito ang 12 iba pang bansa tulad ng Azores Islands, Belize, Mexico, at Great Barrier Reef.
Bukod dito wagi din ang Lungsod ng Maynila bilang World’s Leading City Destination para sa ikatlong taon nang magkasunod, pinangunahan nito ang iba pang lungsod tulad ng Dubai, London, at New York City.
Samantala, nakakuha naman ang Boracay ng World’s Leading Luxury Island Destination 2025, na tinalo ang mga destinasyon tulad ng Jersey, Mustique, at Bahamas, bilang pagpapakita ng mataas na kalidad ng karanasan ng mga turista at ang mga pagsusumikap sa sustainability ng isla.
Noong Oktubre, nakamit din ng Pilipinas ang ilang mga parangal sa 2025 World Travel Awards Asia & Oceania Gala sa Hong Kong, kabilang ang Asia’s Leading Dive Destination, Asia’s Leading Beach Destination, at Asia’s Leading Tourist Board para sa Department of Tourism (DOT).
Ang World Travel Awards na itinatag noong 1993, ay itinuturing na isa sa pinakamataas na pagkilala sa global industry ng travel tourism.











