-- Advertisements --

Ipinagkaloob na ng Pilipinas ang visa-free entry para sa mga turistang mula sa India. 

Ito ay bilang bahagi ng hakbangin ng gobyerno na paigtingin ang turismo at palalimin ang ugnayan sa pagitan ng dalawang bansa.

Simula ngayong Linggo, Hunyo 8, papayagan na ang mga turistang Indian na manatili sa bansa nang walang visa sa loob ng 14 na araw, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA). 

Hihilingin sa mga turista na ipresenta ang kanilang valid passport nang hindi bababa sa anim na buwan lampas sa kanilang pananatili, confirmed hotel booking, proof of financial capacity, at ticket pabalik o patungo sa susunod na destinasyon.

Ang mga Indian citizens na may valid at kasalukuyang American, Japanese, Australian, Canadian, Schengen, Singapore or United Kingdom (AJACSSUK) visas o residence permits ay maaaring manatili sa bansa nang walang visa sa loob ng 30 araw at kinakailangang magpresenta ng kanilang valid passport nang hindi bababa sa anim na buwan lampas sa kanilang pananatili, at ticket pabalik o patungo sa susunod na destinasyon.

Ang mga Indian nationals na kwalipikado para sa e-Visa ay maaari ring mag-apply sa pamamagitan ng opisyal na website ng Philippine e-Visa na evisa.gov.ph.

Ang mga e-Visa ay hindi maaaring i-extend o i-convert sa iba pang uri ng visa o iba pang admission status categories.