-- Advertisements --

Malabong makapanghikayat ang Pilipinas ng mga foreign investment kung hindi luluwagan ang economic restrictions sa 1987 Constitution.

Ito ang binigyang-diin ng “think tank” ng House of Representatives, ang Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD).

Ayon kay Dr. Romulo Emmanuel “Dr Jun” Miral Jr., chief ng Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD), magiging inutil ang legislative efforts para maka-akit ng foreign investment kung ang 1987 Constitution ang mismong ugat ng problema.

Tinukoy ni Miral ang batas na amyendahan ang century-old Public Service Act, na layong alisin ang 40 percent foreign nationality ownership restriction na ipinapatupad sa mga public service companies sa ilalim ng 1987 Constitution.

Hindi pa rin ito nagagawang ipatupad ang Publice Service Act of 2022 dahil sa kakulangan ng mga implementing rules and regulations bukod pa sa nakabinbing petisyon sa Korte Suprema na kumukwestiyon sa constitutionality nito.

Dagdag pa ni Miral na hindi sapat ang paglikha ng batas para makahikayat ng mga dayuhang mamumuhunan sa bansa.

Dahil dito, hindi tiyak kung handa ang mga banyagang mamumuhunan na mag -invest sa Pilipinas dahil may pending case ito sa Supreme Court at hindi batid kung kailan ito mareresolba.

Naniniwala si Miral, kung maaalis na ang balakid o hadlang sa economic provisions sa Saligang Batas, posibleng dadami ang mga foreign investor ang mag invest sa Pilipinas.

Kasalukuyang tinatalakay na ng dalawang kapulungan ang panukalang amyendahan ang 1987 Constitution partikular ang restrictive economic provision.

Sa inihaing Resolution of Both Houses No. 7 ng House of Representatives nakatutok ang pag amyenda sa public services, education at advertising.