-- Advertisements --

Opisyal nang hiniling ng PH government sa United States na palawigin pa ng anim na buwan ang temporary waiver sa US sanction na nagpapayag sa ilang mga bansa tulad ng Pinas makabili ng crude oil mula sa Russia.

Kung babalikan, ang temporary waiver na ito ay nagbibigay pahintulot sa mga bansa na pansamantalang bumili ng krudo mula sa Russia hanggang April 11, sa kabila ng ng naunang sanction na ipinataw ng US kasunod ng pag-giyera ng Russia sa Ukraine.

Ayon kay Philippine Ambassador Jose Manuel Romualdez, naipadala na ng Pilipinas sa US State Department ang naturang request.

Maghihintay na lamang aniya ang PH government ng kasagutan ukol sa naturang request para maipagpatuloy ang pagbili ng krudo mula sa Russia.

Nananatili naman aniya ang pagtalima at pagsuporta ng Pilipinas sa alyansa nito tulad ng US, habang patuloy na tinutugunan ang energy crisis sa bansa.

Una nang nakabili ang PH-based petroleum company ng hanggang 2.5 million bariles ng Russian crude oil nitong buwan ng Marso.

Ito ay habang nasa kasagsagan ang oil crisis sa Pilipinas dala ng matinding giyera sa Middle East. (report by Bombo Genesis)