-- Advertisements --

Lumagpas na ang presyo ng krudo sa $100 kada bariles sa unang pagkakataon sa nakalipas na mahigit tatlo’t kalahating taon.

Ito ay sa gitna ng epekto ng patuloy na digmaan sa Iran na nakaapekto sa produksiyon at pagpapadala ng langis sa Gitnang Silangan.

Ang presyo ngayon ng isang bariles ng Brent crude, na ginagamit bilang international standard, ay nasa $107.97 matapos mag-resume ang market trading sa Chicago Mercantile Exchange.

Tumaas ito ng 16.5% mula noong Biyernes, na nagsara sa presyong $92.69.

Inaasahang tataas o bababa pa ang naturang presyo habang nagpapatuloy ang market trading.

Matatandaan, huling nakapagtala ng higit sa $100 kada bariles sa presyo ng krudo ng US noon pang Hunyo 30, 2022, nang pumalo ito sa $105.76 habang sa Brent crude naman ay noong Hulyo 29, 2022 nang sumipa sa $104 per barrel ang presyo nito.

Simula nang maglunsad ng joint attack ang Israel at US sa Iran, naapektuhan ng pagsipa ng presyo ng langis ang financial markets, na nagpalutang ng pangamba na sisipa pa ang inflation bunsod ng mas mataas na energy costs at maaaring humantong sa mababang spending ng mga konsyumer ng US, na pangunahing nagpapatakbo sa ekonomiya.