ILOILO – Hindi umano pinapansin ng embahada ng Pilipinas sa Saudi Arabia ang mahigit 20 Overseas Filipino Workers (OFWs) na tatlong buwan nang walang trabaho at nagmamakaawa na lamang na makauwi sa bansa.

Ayon kay Bombo International Correspondent Jaye Biglete direkta sa Riyadh, makailang beses na rin silang tumawag at humingi ng tulong sa embahada ngunit wala pa rin ang kumpirmasyon kung kailan na sila pahihintulutang makabalik sa Pilipinas.

Inihayag ni Biglete na tapos na ang kanilang kontrata bilang staff workers sa ospital at expired na rin ang kanyang passport at visa.

Maliban dito, pahirapan din ang pagkain ng mga OFW dahil nauubos na ang kanilang pera na para sana sa kani-kanilang pamilya.

Ani Biglete, malaki na ang kanilang takot na madapuan ng Coronavirus Disease-2019 (COVID-19) lalo pa at may mga foreign workers na nagpositibo na sa nasabing virus.