-- Advertisements --

Ligtas ang mga Pilipino sa Qatar, sa kabila ng pagkakadamay ng naturang bansa sa lumalalang giyera sa Gitnang Silangan.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo kay Philippine Ambassador to Qatar, Amb. Mardomel Celo Melicor, tiniyak nitong maayos ang kalagayan ng mga mangagawang Pilipino na naroon, at napapangalagaan din ng Qatari government ang kanilang kapakanan.

Limang araw na rin aniyang hindi nakakaranas ng missile attack ang naturang bansa, habang tuloy-tuloy din ang regular na trabaho ng mga mangagawang Pilipino.

Bagaman hindi pa rin tiyak kung hanggang kailan magtatagal ang giyera, umaasa ang opisyal na babalik na rin sa normal ang sitwasyon sa naturang bansa, lalo at epektibo rin aniya ang defense system ng Qatar na humaharang sa mga missile na pinapalipad ng Iran.

Epektibo rin ang realtime alarm na natatanggap ng mga mangagawang Pilipino na nagmumula sa Qatari government tuwing may nakakawalang missile na tuluyang puputok sa naturang bansa.

Sa kasalukuyan, wala na ring naidagdag sa mga Pilipinong nasaktan at nasugatan maliban sa isang anak ng Overseas Filipino Worker (OFW) na nasugatan sa mga unang araw na nadamay ang Qatar sa malawakang giyera.

Paliwanag ni Amb. Melicor, nagasgasan lamang ang naturang Pinay matapos ang pagbagsak ng debris sa isang istraktura kung saan siya kasalukuyang gumagamit ng computer.

Agad ding pinalabas ang naturang Pinay, makalipas ang paunang lunas.