-- Advertisements --

Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magsasagawa ang Philippine Navy kasama ang Indian Navy ng kauna-unahnag joint maritime drills sa West Philippine Sea (WPS) sa susunod na linggo.

Sa isang statement, sinabi ng AFP chief General Romeo Brawner Jr. na ang isasagawang joint maritime cooperation activity ay higit pa sa isang ceremonial gesture.

Aniya, ang presensiya ng Indian naval tanker na INS Shakti sa Maynila ay nagpapakita ng malakas na senyales ng pagkakaisa, tibay ng samahan at sigla ng kooperasyon sa pagitan ng dalawang bansa sa Indo-Pacific Region.

Para sa Sandatahang Lakas, ang pagbisita ng Indian naval tanker ay pagmarka ng pagpapahusay pa ng defense diplomacy at hindi show of force kasabay ng pagpapalawig pa ng India sa naval engagements nito sa Timog-Silangang Asya.

Pinuri naman ng AFP chief ang lumalalim pa na ugnayang pangdepensa sa pagitan ng PH at India.

Ginawa ng AFP ang anunsiyo ilang araw bago ang nakatakdang pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa India mula sa araw ng Lunes, Agosto 4 hanggang sa Biyernes, Agosto 8.